
Dalawang magkahiwalay na insidente ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang naitala sa Pangasinan kahapon, November 23, 2025 na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang lalaki.
Sa Laoac, Pangasinan kahapon ng hapon, dalawang construction worker na nasa edad 25 at 23, ang tinarget ng 19-anyos na lalaki.
Ayon sa imbestigasyon, hinarang ng suspek ang mga biktima sa daan at sinibat sila sa pamamagitan ng pagtapon ng isang kaldero.
Umalis ang suspek, ngunit nang bumalik ito dala na niya ang isang baril na itinutok sa 25-anyos na biktima. Kumaripas ng takbo ang 23-anyos na biktima na sinubukan pang habulin at barilin ng suspek.
Matapos ang insidente, agad itong iniulat sa Laoac MPS ng mga biktima. Pagdating sa lugar, boluntaryong sumuko ang suspek at nakuha sakanya ang isang NORINCO 9mm pistol at isang fired cartridge case.
Hindi na nag-sampa ng kaso ang mga biktima ngunit inihahanda ng pulisya ang kaso laban sa suspek para sa Violation of RA 10591.
Samantala, sa Alaminos City naman, dakong 9:20 PM, isang 45-anyos na tricycle driver ang sinaktan ng kanyang 47-anyos na bayaw na lasing at armado.
Ayon sa ulat, tinangka ng biktima na pakalmahin ang away ng kanyang kapatid at ng suspek matapos mapag-alamang nagtatalo ang mga ito, ngunit nagtamo ito ng suntok mula sa suspek.
Agad na inireport ang insidente sa Alaminos CPS at nakumpiska sa lugar ang isang Caliber 45 Kimber Raptor II Pistol, tatlong magazine, at 24 piraso ng live ammunition ng baril. Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang baril sa istasyon ng pulisya para sa karampatang dokumentasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa dalawang insidente at sinisiguro ang wastong proseso ng pag-aaresto at pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









