Dalawang magkahiwalay na kaso ng grass fire ang naitala sa Dagupan City sa kasagsagan ng Semana Santa.
Nagsimula ang sunog sa damuhan sa Barangay Bonuan Binloc noong Abril 3, na sinundan naman ng panibagong insidente sa Bonuan Boquig, San Gabriel noong Abril 4.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang insidente sa Bonuan Boquig, ala-1:18 ng hapon, kung saan tinatayang nasa 10 square meters na imbakan ng kahoy ang naapektuhan.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi na nag-umpisa ang sunog sa mga nalinis na dahon na sinunog pero hindi nabantayan.
Samantala, sa insidente naman sa Bonuan Binloc sa bahagi ng golf course, tinitingnang sanhi ang matinding init ng panahon ang pinagmulan ng apoy.
Base sa inilabas na 2-Day Pangasinan Heat Index Forecast ng PDRRMO, tinatayang umabot sa 40°C ang heat index noong Abril 3, habang nasa 39°C naman ito noong Abril 4 na itinuturing na extreme caution status.
Agad namang narespondehan ng mga awtoridad ang mga naturang barangay upang apulahin ang apoy.
Wala namang naiulat na casualties sa parehong insidente.
Bilang paalala, sinabihan ng BFP ang publiko na huwag magsunog ng dahon nang walang bantay upang hindi magdulot ng sunog, lalo na ngayong tag-init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
