Iniakyat na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang dalawang kaso ng graft laban kina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at sa dating City Administrator Aldrin Cuńa, matapos makitaan ng sapat na ebedensya.
Ang kaso ay isinampa laban kina Bautista at Cuńa noon pang taong 2020 ng City Legal Office.
Batay sa reklamo, pumasok umano sa isang ₱25 million contract ang lungsod sa Cygnet Energy and Power Asia Inc., para sa installation ng solar panel system at waterproofing ng rooftop ng city hall na hindi dumaan sa pag-apruba ng city council.
Lumalabas sa imbestigasyon ng anti-graft body na binayaran umano in full nina Cuña at Bautista ang private contractor kahit hindi pa natatapos ang proyekto bagay na ikinalugi ng lokal na pamahalaang lungsod.