Dalawang lalaki ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon ng Anda Municipal Police Station (MPS), kaugnay ng mga kasong pagnanakaw at mga kasong kriminal.
Sa isang hot pursuit operation, arestado ang isang lalaki matapos umanong magnakaw sa isang residente na naganap sa Brgy. Poblacion.
Nakuha mula sa suspek ang pera na nagkakahalaga ng ₱12,840.00 sa iba’t ibang denominasyon. Narekober din ang isang mountain bike na ginamit umano ng suspek bilang kanyang sasakyan sa pagtakas at iniwan malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, sa hiwalay na operasyon noong Lunes, Enero 12, sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, arestado sa bisa ng warrant of arrest ang isang 35-anyos na lalaking residente ng Barangay Awag, Anda, Pangasinan dahil sa patong-patong na kaso.
Ayon sa pulisya, nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide, na may inirekomendang piyansa na ₱72,000.00, gayundin sa kasong Acts of Lasciviousness.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang proseso ng mga kasong isasampa laban sa kanila. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










