Monday, February 9, 2026

DALAWANG KATAO, HINABOL NG SAKSAK NG LALAKING HINDI NAGBAYAD NG BILL SA ISANG BAR SA BUGALLON

Ang pag-inom ng alak, kapag hinayaang makaapekto sa isipan, pwedeng mauwi sa krimen.

‘Yan ang dahilan ng naging mainit na tagpo sa Bugallon, Pangasinan noong magmamadaling araw ng February 8, araw ng linggo, matapos umanong habulin ng saksak ng isang naging customer ang dalawang tauhan sa isang bar dahil sa tangkang pagsusumbong ng mga ito sa kapulisan sa hindi nito pagbabayad.

Sa panayam kay Bugallon Police Station Deputy Chief of Police PLt. Darius Cabotaje, hindi umano nagbayad ng bill ang suspek at isang kasamahan nito kaya dudulog sana mga tauhan ng bar sa kapulisan nang harangin sila ng suspek sa daan at binantaan.

Nadapa ang isa sa mga biktima, dahilan upang abutan ng suspek at saksakin sa hita, habang ang isa naman ay sugatan matapos madapa sa pagmamadaling makalayo sa suspek.

Agad namang naaresto ang suspek habang nakalabas na rin sa ospital ang mga biktima.

Desidido ang mga ito na sampahan ng kasong Attempted Homicide ang suspek, na kasalukuyang nasa kustodiya ng awtoridad.

Paalala naman ng kapulisan sa publiko, huwag pairalin ang kalasingan bilang dahilan sa mga hindi magandang gawain. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments