
Cauayan City – Tatlong katao ang nasawi matapos ang insidente ng pamamaril sa Barangay Centro, Lal-lo, Cagayan.
Kinilala ang suspek sa pangalang Andy, 67-anyos, may-asawa, at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, binaril umano nito ang dalawang biktimang sina Anie, 43-anyos, at Roy, 44-anyos, kapwa mula sa Barangay Cabayabasan.
Ayon sa mga nakasaksi, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa bahay ng suspek kung saan naroroon ang mga biktima. Agad nila itong iniulat sa mga awtoridad na mabilis namang rumesponde sa insidente.
Pagdating ng mga pulis, sinubukan pa nilang pakiusapan ang suspek na sumuko, ngunit makalipas ang ilang sandali, muling narinig ang isang putok ng baril mula sa loob ng bahay kaya’t napilitan ang mga awtoridad na pasukin ang lugar.
Sa pagpasok ng mga pulis, natagpuan ang tatlong katao na wala nang buhay.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo sa likod ng krimen.









