Nagkasundo na ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at ang Senate Committee on Ways and Means kaugnay sa ilalabas na rekomendasyon laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.
Sinabi ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald Bato dela Rosa na posibleng sa pagbabalik sesyon nila ngayong Enero ay isasalang na para sa plenary debates ang kanilang mga committee report kaugnay sa POGO operations.
Aniya, nagkasundo na sila ni Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa rekomendasyon na ibaban na sa Pilipinas ang POGO subalit bibigyan sila ng “grace period” para sa pag-alis sa bansa.
Ipauubaya naman nila sa Malakanyang ang haba ng panahon ng “grace period” dahil sa kanyang rekomendasyon ay isa hanggang dalawang taon habang kay Gatchalian ay tatlong buwan lamang.
Isa rin naman sa rekomendasyon ni dela Rosa ang option no 2 na kung hindi ibaban ang POGO sa bansa ay ilalagay ang mga ito sa isang lugar kung saan nakabantay din ang mga otoridad at iba’t ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa kanilang operasyon.