Dalawang kongresista, mamamahagi ng Ivermectin sa kanilang isasagawa na “Ivermectin Pan-Three” sa QC

Mamamahagi ng Ivermectin ang dalawang kongresista sa kanilang ilulunsad na “Ivermectin Pan-Three” para sa mga labis na nangangailangan.

Ayon kina House Deputy Speaker at SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, isasagawa ang naturang pantry sa darating na Huwebes, April 29 sa Matandang Balara Hall Park sa Quezon City (QC).

Ang bawat benepisyaryo ay bibigyan ng hindi bababa sa tatlong kapsula o tableta ng Ivermectin at ang mga ito ay libre.


Tiniyak ng dalawang mambabatas na ang kanilang “Ivermectin Pan-Three” ay may doktor at may kooperasyon sa ilang organisasyon.

Bukod dito, sinabi nina Marcoleta at Defensor na patuloy silang mamamahagi ng Ivermectin sa ilan pang mga barangay sa Quezon City, ang lungsod na may pinaka-mataas na kaso ng COVID-19 sa Kalakhang Maynila.

Kanina ay kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na kabuuang limang ospital na ang inisyuhan nila ng “special compassionate permit” sa Ivermectin para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Gayunman, wala pang rehistradong Ivermectin para sa COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments