Dalawang kongresista na sasalang sa ICI hearing ngayong araw, humirit din ng ‘executive session’

Kapwa nag-request ng ‘executive session’ o closed-door hearing sina Quezon City 6th District Representative Ma. Victoria “Marivic” Co-Pilar at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” Vargas.

Kaya sa pangatlong pagkakataon, wala pa ring livestreaming sa mga sasalang na mga kongresista bilang resource person sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa maanomalyang flood control projects.

Inaasahan ngayong 9:30 ng umaga si Cong. Co-Pilar, habang 10:30 AM naman si Cong. Vargas.

Ang nasabing dalawang kongresista ay kabilang sa mga pinangalanan ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya na nakatanggap umano ng “porsyento” sa flood control projects.

Una nang sinabi ni ICI Executive Director at Spokesperson Atty. Brian Hosaka na patuloy ang paghahanda ng kanilang technical team sa livestreaming upang matiyak ang maayos na takbo nito.

Aniya, kasalukuyang nagsasagawa pa sila ng mga test run para masigurong gumagana nang maayos ang lahat ng kagamitan.

Facebook Comments