
Dalawang lalaki ang arestado sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operation ng pulisya sa mga bayan ng Pozorrubio at Alcala, Pangasinan noong Enero 20 at 21, 2026.
Sa Pozorrubio, isang 43-anyos na lalaking money lender, at residente ng nasabing bayan ang arestado bandang alas-6:15 ng gabi kahapon sa isinagawang buy-bust operation ng Pozorrubio Municipal Police Station, katuwang ang PDEA Region 1.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang transparent plastic sachet na may humigit-kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu at may standard drug price na ₱6,800.
Narekober din ang ginamit na buy-bust money, boodle money at isang pulang motorized tricycle. Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga mandatory witnesses at ng suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.
Samantala, kaninang madaling araw naman, isang 23-anyos na lalaking magsasaka at residente ng Malasiqui, Pangasinan ang timbog sa bayan ng Alcala sa operasyon na isinagawa ng Alcala Police Station sa koordinasyon din ng PDEA Region 1.
Nakumpiska sa suspek ang isang plastic sachet na may tinatayang 2.5 gramo ng hinihinalang shabu at may standard drug price na ₱17,000.
Kabilang din sa mga nasamsam ang buy-bust money, boodle money, personal na gamit at isang itim na motorized tricycle. Isinagawa rin ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi at ng suspek.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang police station at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










