
Dalawang lalaki ang naaresto matapos umanong tangkaing barilin ang isang tricycle driver sa bayan ng Sta. Catalina, Ilocos Sur. Nakumpiska rin mula sa kanila ang isang maliit na armas na hindi pumutok sa oras ng insidente.
Ayon sa imbestigasyon ng Sta. Catalina Police Station, personal na nagtungo sa himpilan ang biktima, isang 52-anyos na tricycle driver mula sa San Vicente, Ilocos Sur, upang iulat ang tangkang pamamaril laban sa kanya.
Kasama ng biktima sa reklamo ang isang 30-anyos na tindero, na kapwa residente rin ng San Vicente.
Kinilala ang mga suspek na 38 anyos, at 45 anyos na lalaki na residente ng Sta. Catalina at San Vicente.
Batay sa ulat ng pulisya, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga biktima at suspek habang parehong nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Sa gitna ng alitan, tinangka umano ng isa sa mga suspek na paputukan ng baril ang biktima ngunit hindi ito pumutok.
Matapos matanggap ang ulat, agad na rumesponde ang mga awtoridad at nang dumating sa pinangyarihan, tumakas na ang mga suspek.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto ang dalawang suspek at nakumpiska ang nasabing baril.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Catalina Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.









