Arestado ang dalawang lalaki matapos ang isang matagumpay na buy-bust operation ng Dagupan City Police Office (DCPO) na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang 476,000 pesos na halaga ng hinihinalang shabu, kahapon ng madaling araw, Disyembre 30, 2025.
Sa operasyon, naaresto ang dalawang suspek na kapwa residente ng Tayug, Pangasinan.
Nasamsam mula sa kanila ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 70 gramo.
Narekober din ang iba pang ebidensiya gaya ng marked at boodle money na ginamit sa transaksyon at mga drug paraphernalia.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa DCPO custodial facility at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni PCOL Orly Pagaduan, Officer-in-Charge ng DCPO, na mananatiling mahigpit ang kampanya kahit sa panahon ng pagdiriwang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lungsod.








