
Dalawang magkahiwalay na buy-bust operation ang ikinasa ng pulisya kahapon ng gabi sa mga bayan ng Bautista at Binmaley na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal at pagkakasamsam ng higit dalawang gramo ng hinihinalang shabu.
Sa Bautista, bandang alas-10:30 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang Bautista Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 (PDEA-RO1) kung saan naaresto ang isang 26-anyos na lalaki na kinilala bilang isang construction worker at residente ng Bayambang.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang isang (1) gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6,800, na nakapaloob sa dalawang heat-sealed plastic sachet. Bukod dito, nakumpiska rin ang marked money na ginamit sa operasyon at isang motorsiklo.
Samantala, sa bayan naman ng Binmaley, makalipas ang ilang minuto sa parehong araw, ikinasa rin ng Binmaley MPS, katuwang ang PDEA-RO1, ang isa pang buy-bust operation kung saan timbog ang isang 43-anyos na lalaking residente din ng bayan.
Narekober mula sa suspek ang tatlong plastic sachet na may timbang na 1.2 gramo ng hinihinalang shabu at may tinatayang halagang ₱8,160.
Kabilang din sa mga nakumpiska ang marked money, ilang plastic sachet at motorsiklo.
Ang dalawang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










