Walang nakikitang mali o problema ang ilang lider ng Kamara kung sesertipikahan ng Senado ang transcript ng pagdinig nito na ipadadala sa International Criminal Court (ICC).
Ang nabanggit na hearing ay patungkol sa war on drugs kung saan dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte at inako ang responsibilidad sa mga patayang naganap sa ilalim ng ikinasa nitong madugong kampanya laban sa ilegal na droga.
Punto ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isang pampublikong pagdinig ang ginawa ng Senado na ipinalabas pa nang live sa social media.
Sang-ayon din si Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon sa pagiging bukas ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sertipikahan ang official transcript ng naturang hearing kung may lehitimo at makatwirang rason.
Naniniwala si Bongalon na ang pagbibigay ng kopya ng transcript ay hindi maituturing na pagtulong sa ICC dahil independent ang ginagawang imbestigasyon ng ICC.