Hindi sagot ang dalawang linggong circuit breaker lockdown upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ito ang iginiit ni National Task Force Against COVID-19 Adviser Dr. Teodoro Herbosa kung saan inihalimbawa nito ang nangyari sa ibang bansa na muling lumobo ang COVID-19 cases nang matapos na ang lockdown.
Sa interview ng programang Basta Promdi, Lodi, sinabi ni Herbosa na mas makabubuti pa ang localized lockdown o yung mga barangay level lamang batay na rin sa inirerekomenda ng Inter-Agency Task Force.
Samantala, taliwas naman ito sa pahayag ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Group na mas mabuti nang magpatupad ng 2-week lockdown habang hindi pa sumisipa ang mga kaso.
Paliwanag ni Ong, kailangang maiwasan natin na magaya tayo sa nangyaring COVID-19 surge sa Indonesia at India na dulot ng Delta variant.