Nakukulangan ang OCTA Research Group sa dalawang linggong ipinatutupad na curfew at pagbabawal sa paglabas ng mga menor de edad sa Metro Manila.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, posibleng hindi sapat ang dalawang linggo na paglimita sa pag-galaw ng mga tao sa NCR kung kaya’t nanawagan sila na pahabain pa sana ito ng gobyerno.
Pero sa kabila nito, kailangan din muna aniyang hintayin ang datos kung nagkaroon talaga ng pagbaba ang COVID-19 trend makalipas ang dalawang linggo.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na sapat na ang tatlo hanggang apat na araw na pagpapatupad ng lockdown sa mga barangay na may kumpirmadong kaso.
Kaugnay nito, pagdating aniya sa bakuna ay tuloy pa rin ang pagbili ng lgu ng AstraZeneca COVID-19 vaccines lalo na’t wala namang abiso ang Food and Drug Administration na ipahinto ang pagtuturok nito sa medical frontliners.
Matatandaang ilang bansa sa Europa ang itinigil muna ang pag-gamit ng AstraZeneca matapos makapagtala ng ilang kaso ng blood clot sa mga pasyenteng naturukan ng bakuna.