Dalawang lugar sa Bukidnon, isinailalim sa automatic price freeze dahil sa epekto ng El Nino

Dalawang munisipalidad sa Bukidnon ang isinailalim ng Department of Trade and Industry (DTI) sa automatic price freeze dahil sa epekto ng El Nino.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DTI Consumer Protection Group, Asec. Atty. Amanda Nograles, na nagsimula ang automatic price freeze sa dalawang munisipalidad noong May 13 at tatagal ng 60 araw.

Ang price freeze ay ipinatutupad ng pamahalaan para mapigilan ang pananamantala ng mga negosyante sa labis na pagpapataw ng mataas na presyo sa produkto sa panahon ng mga kalamidad.


Ayon pa kay Nograles, ilang manufacturers na rin ang nagpahatiwatig sa DTI na magpapatupad ng voluntary price freeze sa basic necessities at prime commodities.

Kaugnay nito, ay pinaigting na rin ng DTI ang price monitoring nito sa gitna ng paparating na La Nina sa pamamagitan ng pagre-activate ng Local Price Coordinating Council (LPCC) na siyang tututok sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga supermarket, grocery stores at mga palengke.

Facebook Comments