Dalawang magkahiwalay na resolusyon patungkol sa pagkundena at pagpapaimbestiga sa mga kaso ng pananambang at pagpatay sa mga government officials, inihain sa Senado

Inihain sa Senado ang dalawang magkahiwalay na resolusyon na kumukundena at nagpapaimbestiga sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Unang inihain ng 15 senador sa pangunguna ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Senate Resolution 517 na naghahayag ng pagkundena ng Senado sa sunud-sunod na pagpatay sa mga local government officials, mga empleyado at mga pribadong indibidwal.

Maliban sa pagpatay kay Degamo, tinukoy rin sa resolusyon ang magkakasunod na pananambang sa ilang mga local government officials.


Kabilang dito ang pananambang sa grupo ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong na ikinasawi ng apat nitong tauhan; ang pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda; at ang pananambang kay Datu Montawal, Maguindanao Mayor Ohto Montawal.

Hinihikayat din ng resolusyon ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na paigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Samantala, inihain naman ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution 518 na humihiling sa kinauukulang committee sa Senado na maglunsad ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa mga kaso ng pagpatay sa mga lokal na pamahalaang opisyal.

Giit ni Hontiveros, nararapat lamang na maglunsad ng imbestigasyon ang mataas na kapulungan hindi lamang sa pagbibigay ng hustisya sa mga naging biktima ng pananambang kundi pati na rin ang pagsisiyasat para matukoy ang mga dahilan ng pagpatay, gayundin ang pagkabigo at kawalang aksyon ng mga institusyon para tugunan at maiwasan ang mga ganitong political at election-related violence.

Facebook Comments