Humiling ng temporary restraining order ang dalawang magulang sa Quezon City Regional Trial Court para pigilin ang pagsasagawa ng pediatric vaccination sa edad 5 hanggang 11 na magsisimula bukas.
Ang naghain ng petisyon ay ang Public Attorney’s Office na kumakatawan sa mga magulang na sina Dominic Almelor at Girlie Samonte.
Sa kanilang petisyon, pinadedeklara nilang unconstitutional ang memorandum 2022-0042 na inisyu noong Enero 24, 2022.
Kinukwestyon ng dalawa ang naturang memorandum dahil tinatanggalan nito ang parental authority sakaling pumayag na ang mga nasa naturang age category na magpabakuna.
Kapwa may pitong taong gulang na anak sina Almelor at Samonte na sakop ng pilot implementation ng vaccination.
Ayon kay Almelor, nababahala siya sa kaligtasan ng kaniyang anak dahil emergency use utilization pa lamang ang permiso sa bakuna at nakalagay sa DA 11525 na experimental ang pagbabakuna.
Si Samonte naman ay isa sa mga magulang na naghain ng reklamo kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia controversy matapos na nabakunahan noon ang kaniyang anak at nagkaroon ng side effects dahil sa bakuna.
Kabilang sa pinasasagot sa petisyon ay sina Health Secretary Francisco Duque III, Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire at ang DOH public health service team.