Dalawang magkasunod na Intensity 2 na lindol ang yumanig sa Dagupan City kamakailan, kasunod ng mga pagyanig na naitala sa Pugo, La Union at Zambales noong nakaraang linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Bagamat mahina, nagsilbi itong paalala sa patuloy na banta ng lindol sa rehiyon.
Bilang tugon, pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez ang mga hakbang para sa earthquake preparedness.
Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang koordinasyon sa mga ahensyang gaya ng DepEd Dagupan, CSWD, CEO, PNP, BFP, POSO, City Health Office, at Liga ng mga Barangay upang magsagawa ng drills, training, at impormasyon sa mga paaralan at komunidad.
Binibigyang-diin ng alkalde ang mahalagang papel ng mga guro sa pagtuturo ng tamang earthquake safety protocols sa mahigit 27,000 mag-aaral sa lungsod, upang matiyak ang kahandaan ng bawat estudyante at kawani sakaling tumama ang mas malakas na lindol.
Patuloy naman ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga residente na manatiling alerto, makiisa sa mga isinasagawang paghahanda, at sundin ang mga abiso mula sa mga opisyal na ahensya para sa kaligtasan ng komunidad.









