Dalawang menor de edad na kumuha ng video ng pamamaril ni Police Master Sgt. Nuezca, ipapasok sa Witness Protection Program

Nakuha na ng pambansang pulisya ang cellphones ng dalawang menor de edad na kumuha ng video ng pamamaril ni Police Master Sgt. Jonel Nuezca laban sa mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na nakuhanan na nila ng consent at affidavit ang dalawang bata kung saan naibigay na sa piskalya ang kanilang sinumpaang salaysay.

Binisita aniya niya ang dalawang bata kamakailan at kinumbinsi ang mga ito kasama ng kanilang mga magulang na tulungan ang PNP para mapalakas ang kaso laban kay Nuezca.


Kailangan kasi aniyang tumestigo ang dalawa sa nakuhanan nilang video ng pangyayari para maging admissible ito sa korte.

Pumayag naman aniya ang mga ito at kanilang mga magulang basta mapangangalagaan ang kanilang seguridad, kaya naman sinabi ni Sinas na inilalakad na nila na maipasok sa Witness Protection Program (WPP) ang dalawang menor de edad.

Nangako naman si Sinas sa naulilang pamilya ng mag-inang Gregorio na aapurahin nila ang proseso para agad ma-dismiss sa serbisyo si Nuezca, maisampa ang kaso laban dito at papanagutin sa kanyang ginawang kasalanan.

Facebook Comments