Nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong Abril ang kabuuang dalawang milyong doses ng bakuna ng Sinovac at Sputnik V na gagamitin ng bansa kontra COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., nasa 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccine ang darating ngayong buwan.
Habang nasa kalahating milyon o 500,000 doses naman ng Sputnik V ng Gamaleya ang inaasahan ngayong Abril kung saan kasama na ang mga senior citizen na mababakunahan.
Sinabi pa ni Galvez na sa mga susunod na buwan ay inaasahang may darating pang suplay ng bakuna mula sa ilan pang kompanya.
Nakakagalak din aniya na nasa ikaapat na pwesto na ang Pilipinas sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon, batay sa tala sinabi na Galvez na nasa 1,468,200 ng mga bakuna kontra COVID-19 ang nai-deploy na sa buong bansa nitong buong buwan ng Marso.
Mula ito sa 2,525,600 bakuna na una ng natanggap ng Pilipinas kung saan higit 777,908 doses ang na-administer o naiturok sa mga indibidwal na kasama sa priority list ng COVID-19 Vaccination Program ng pamahalaan.