
Dalawang senador mula sa minorya ang hindi bumoto pabor sa ratipikasyon ng 2026 National Budget.
Sa Viva Voce Voting, bagama’t walang aktwal na bilangan ng boto, “NO” o tutol sa Bicameral Conference Committee report ang dalawang senador mula sa minorya na sina Senators Rodante Marcoleta at Robinhood Padilla.
Sinabi ni Marcoleta na inaprubahan niya ang naunang senate committee report sa pambansang pondo subalit sa ilalim naman ng bicam report ay pinalakihan pa ang pondo sa mga ayuda programs tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP).
Tinawag din niya na recklessness ang pagbabalik ng unprogrammed fund na tinaasan pa P243.4 billion.
Habang si Padilla naman ay napuna na mayroon pa ring hindi malinaw sa mga ayuda programs at ang pagiging Manila Centric ng budget gayong maliit lamang ang sa Mindanao na nasa 15% lang ng pambansang pondo.
Kung ganito aniya ang mangyayari, sayang lang ang pagsisikap at paghihirap sa deliberasyon sa budget at mababalewala ang pagpupuyat ni Senator Win Gatchalian para sa pagbusisi ng budget.
Samantala, hindi naman nakalagda sa Bicameral Conference Committee report sina Senators Imee Marcos, Bong Go, at Bato Dela Rosa.
Sinabi ni Gatchalian na hindi na nahintay ang mga ito para mapalagdaan ang bicam report dahil pumirma na ang ilang mga myembro at kailangan na nilang maratipikahan ngayong araw ang pambansang pondo.
Matapos ngang ma-ratify ay isusumite na rin ngayon sa opisina ng Pangulo ang 2026 General Appropriations Bill.
Nag-adjourn na rin ngayong hapon ang sesyon sa Senado at muling magbabalik sa January 26, 2026.








