Dalawang miyembro ng notoryus na ‘Trese Hudas’ drug and robbery group, natimbog sa Novaliches, QC

Kalaboso ang dalawang miyembro ng notoryus na ‘Trese Hudas’ drug and robbery group matapos mahulihan ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱320,000 sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brigadier Gen. Ronnie Montejo ang mga arestado na magkapatid na sina Nathaniel Tadeo, 29-anyos, at Elias Tadeo, 32.

Kasama nilang naaresto si Marie Leah Cañgayo, 27 at isang 17-anyos na binatilyo na mula sa Brgy. Commonwealth.


Naaresto ang magkapatid na Tadeo sa ikinasang buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng QCPD Police Station 4 sa Idang St. corner Mindanao Ext, Sitio Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Isang police poseur buyer ang nakatransaksyon ng dalawa na bibili ng ₱29,000.00 na halaga ng marijuana.

Dumating ang mga suspek sa lugar sakay ng puting Toyota Fortuner at nang magkaabutan na, dito na inaresto ang mga ito.

Nakuha sa pag-iingat ng magkapatid ang tatlong kilo ng marijuana, dalawang cellular phones at ang Toyota Fortuner.

Lumilitaw na ang Tadeo brothers ay kabilang sa top listed drug personalities ng PS4 at miyembro din ng ‘Trese Hudas’ drug and robbery hold-up group na nag-ooperate sa Novaliches at San Mateo, Rizal.

Facebook Comments