DALAWANG MOST WANTED PERSON, NADAKIP SA LA UNION

Dalawang most wanted na indibidwal ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa lalawigan ng La Union.

Unang nadakip sa bayan ng Balaoan ang isang 47-anyos na lalaki na itinuturing na Top 3 Regional Most Wanted Person. Nahaharap siya sa dalawang bilang ng kasong statutory rape.

Samantala, sunod na naaresto sa bayan ng Aringay ang Top 2 Most Wanted Person na kinilalang isang 37-anyos na construction worker, na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng kani-kanilang himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa dokumentasyon at kaukulang pagsasampa ng kaso.

Kaugnay nito, muling iginiit ng mga awtoridad ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad, partikular sa paghuli sa mga indibidwal na may kinahaharap na mabibigat na kaso.

Ayon sa PRO 1, magpapatuloy ang kanilang operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanagot sa batas ang mga lumalabag dito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments