Natukoy ng Philippine Genome Center (PGC) ang dalawang mutations o pagbabago sa COVID-19 sa Cebu.
Ayon kay Department of Health (DOH) Region 7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche, 37 mula sa 60 samples ang sinuri ng PGC nitong Enero 30 hanggang Pebrero 2 kung saan nakita nila ang E-4-8-4-K at N-5-0-1-Y mutation sa SARS-CoV-2.
Iginiit naman ni Loreche na walang dapat ipangamba ang mga taga-Cebu dahil malawakan ang ginagawa nilang contact tracing para hindi na kumalat pa ang mutation ng virus.
Maliban dito, tiniyak ni Loreche na nakatutok sila sa kaso ng Overseas Filipino Worker (OFW) mula United Arab Emirates (UAE) na una nang naturukan ng COVID-19 vaccine pero nagpositibo sa virus.
Tiniyak naman ni Office of the Presidential Assistant for the Visayas Asec. Jonji Gonzales na hindi na muli kailangang ilockdown ang Cebu sa kabila ng mataas na kaso ng COVID-19.