DALAWANG NABARIL SA ISANG PAARALAN SA NUEVA ECIJA, NASA KRITIKAL NA KONDISYON PA RIN

Isang insidente ng pamamaril ang umalingawngaw kahapon sa Sta Rosa Integrated School sa probinsya ng Nueva Ecija.

Ayon sa ulat, isang lalaking estudyante ang pumunta sa silid aralan ng babaeng estudyanteng umano’y kasintahan din nito.

Diumano, may problema ang dalawa sa relasyon at sinubukan pang kausapin ng guro ngunit dito na bumunot ng isang caliber. 22 na baril mula sa bag nito ang lalaki at pinapatukan ang babaeng biktima.

Pagkatapos ng insidente, binaril din ng lalaki ang kanyang sarili.

Isang oras bago maganap ang insidente, nakapagpost pa ang lalake sa facebook nito at sinabing nagmahal lang daw ng totoo at ginawa ang lahat hanggang kamatayan.

Patuloy na iniimbestigahan kung paano nakapasok ang isang lalaki na may dalang baril sa loob ng Sta. Rosa Integrated School sa Nueva Ecija, kasunod ng insidente ng pamamaril na naganap kahapon.

Ayon sa Sta. Rosa Municipal Police Station, una nang sinubukang pigilan ng security guard ang lalaki sa pagpasok sa paaralan dahil hindi ito estudyante roon.

Gayunman, pinaniniwalaang nakalusot ito nang magsimulang magsilabasan ang mga estudyante at agad na nagtungo sa silid-aralan ng isang babae.

Dito na naganap ang insidente ng pamamaril, kung saan binaril ng suspek ang biktima at saka nagbaril sa sarili.

Sa pakikipag-ugnayan ng IFM News sa mga kaanak ng parehong suspek at biktima, kapwa nasa kritikal na kondisyon ang dalawa at patuloy na ginagamot.

Samantala, mariing kinondena ng Schools Division ng Nueva Ecija ang insidente. Nagpahayag ito ng pakikiisa at panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan.

Nagbigay na rin ng psychosocial support ang mga awtoridad sa mga estudyante at guro na nakasaksi sa insidente, bilang bahagi ng pagtugon sa epekto ng trahedya.

Tiniyak din ng Schools Division ang kanilang patuloy na pagsisikap upang mapanatili ang isang ligtas at mapayapang learning environment. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments