Nilinaw ng DOH na hindi pa patay ang dalawang nakatatandang pasyente na positibo sa covid-19, taliwas sa unang napaulat
Gayunman, sinabi ni Health Assistant Sec. Maria Rosario Vergeire na dahil sa may ibang karamdaman ang patients number 6 at 9, sila ay nananatiling nasa kritikal.
Ang patients naman nunber 4 to 10 naman aniya nananatiling stable ang kalagayan.
Nilinaw naman ni Dr. Vergeire na magkakaroon sila ng simpleng seremonya sa pagtatapos bukas ng quarantine period sa mahigit 400 na pinoy repatriates mula Yokohama, Japan na sakay ng MV Diamond Princess Cruise Ship.
Ito ay maliban aniya sa dalawang nagpositibo na sina patients number 25 at 26.
Samantala, nilinaw ni Dr. Vergeire na hindi kailangang sumailalim sa quarantine ng mga residente ng isang condominium building sa Quezon City kung saan may isang nakatira doon ang nagpositibo sa COVID-19.
Aniya, ang maaari lamang na posibleng mahawa ay ang mga nakasama ng pasyente sa kwarto o ang nakasalamuha niya sa nakalipas na labing-apat na araw.
Inanunsyo naman ni Dr. Vergeire na nakatakda nilang pulungin ang operators ng public transport gayundin ang mga opisyal ng mass transit system tulad ng lrt at mrt para maturuan ng tamang pamamaraan upang maiwasan ang paglaganap ng virus.
Sa isyu naman ng napapabalitang lockdown, nagbigay-linaw si ASEC Vergeire na ang posibleng lockdown na irekomenda nila ay localized lamang at hindi ito nangangahulugan ng buong lungsod ang ila-lockdown kundi bahagi lamang ng isang syudad.