Nahanap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFW) na tumakas sa quarantine facility at nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, kontrolado nila ang sitwasyon at na-isolate na din nila ang pinuntahan ng mga ito.
Gayunman, tumanggi si Cacdac magbigay ng iba pang impormasyon na may kaugnayan sa dalawang OFWs.
Aniya, tanging Department of Health (DOH) lamang ang makapagsasabi ng mga detalyeng ng mga ito.
Matatandaang ilang stranded OFWs ang nagrereklamo hinggil sa patuloy nilang pananatili sa quarantine facilities, na lagpas na sa inirekomendang 14-day quarantine.
Pero paliwanag ni Cacdac, ang mahabang quarantine period ng mga OFW ay dahil sa “chain of events” tulad ng kanselasyon ng mga flight sa mga paliparan.
Bukod dito, humihingi din aniya ng test results ang mga lokal na pamahalaan bago tanggapin ang mga uuwing OFW.
Hinimok ni PBA Party-List Representative Jericho Nograles ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), na huwag isama sa coverage ang mga positibong COVID-19 patient na iresponsable at pabaya.
Giit ni Nograles, dapat makabuo ng bagong panuntunan ang philhealth sa pagbibigay ng healthcare coverage para sa mga pasyente ng COVID-19 dahil masasayang lamang ang mga kontribusyon dahil sa pasaway na indibidwal.
Bago bigyan ng Philhealth coverage, dapat aniyang alamin munang ng health insurer sa mga pasyente kung paano nila nakuha ang sakit.