Dalawang OFWs na kahina-hinalang nasawi sa Saudi Arabia, dininig sa Senado

Tinalakay sa Senate Committee on Migrant Workers ang pagkasawi ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia sa hindi pa malamang dahilan.

Kinilala ang mga OFW na nasawi sa Saudi Arabia na sina Jelyn Arguzon at Riolyn Sayson matapos humingi ng tulong sa Senado ang kanilang mga asawa para alamin ang tunay na pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa pagdinig ay ibinahagi ng asawa ni Arguzon na si Jerriel na isang linggo pa lamang ang kanyang asawa na nagtatrabaho mula nang dumating sa Jeddah noong June 16, 2024 ay nagsumbong na ito na minamaltrato siya ng kanyang amo, kinuha rin ang passport, dinala sa ibang bahay at nabalitaan na lang na nasawi na noong July 19.


Hindi naman kumbinsido si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa autopsy kay Jelyn sa Saudi Arabia na natural death ang sanhi ng pagkamatay nito kaya magsasagawa ng hiwalay na autopsy pagdating sa bansa ng mga labi ng OFW.

Samantala, nakatawag pa si Riolyn sa kanyang mister na si Elberto noong July 15, 2024 at idinadaing nito ang paninikip ng dibdib ngunit kinabukasan ng July 16, 2024 ay nabalitaan ng pamilya nito sa Pilipinas na pumanaw ang kanyang asawa dahil naman sa cardiac arrest.

Bago aniya ang pagkasawi ng kanyang misis ay naisumbong nito na isang beses lang sa isang araw kung siya’y pakainin ng kanyang amo at kahit gabi ay pinagtatrabaho pa ito.

Inatasan naman ni Committee Chairman Raffy Tulfo ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pagbutihin ang sistema ng pag-mo-monitor sa mga OFW at obligahin ang mga recruitment agency na tulungan din ang mga distressed OFW na nangangailangan.

Facebook Comments