Alinsunod sa release order na inilabas ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay makakalaya na ngayong araw mula sa anim na buwang pagkakakulong sa Pasay City Jail ang dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Mohit Dargani at Linconn Ong.
Ayon kay Senate Sergeant at Arms Retired Major General Rene Samonte, ngayong umaga nila dadalahin kay Pasay City Jail Warden Supt. Ramil S.Vestra ang nabanggit na release order para agad maipatupad.
Unang inilagay sa detention facility ng Senado ang dalawa bago sila inilipat sa Pasay City Jail noong November ng nakaraang taon.
Ito ay makaraang i-cite for contempt sila dahil sa pagmamagitas nila na hindi ibigay ang financial records ng Pharmally na hinihingi ng Senate blue ribbon committee.
Kaugnay ito sa imbestigasyon komite ukol sa umano’y iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally.
Sa draft report na inilabas ni Senator Richardo Gordon na siyang chairman ng komite, ay inirerekomenda na sampahan ng kasong kriminal sina Dargani at Ong.
Pero hindi naihain sa plenaryo ang committee report dahil hindi nito nakamit ang kinakailangang bilang ng pirma ng mga senador.