Dalawang opisyal ng Pharmally na pinakulong ng Senado, mananatili sa Pasay City Jail hanggang Hunyo 30

Mananatiling nakabilanggo sa Pasay City Jail ang dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Mohit Dargani at Linconn Ong hanggang sa magsara ang kasalukuyang 18th Congress sa Hunyo 30.

Ito ay kahit naglabas na ng partial committee report ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon nito sa umano’y pagbili ng gobyerno ng overpriced na pandemic supplies.

Sina Dargani at Ong ay na-contempt at pinaaresto ng komite dahil sa pagtangging isumite ang mga dokumentong kailangan sa imbestigasyon.


Paliwanag ni Committee Chairman Senator Richard Gordon, kailangang manatili sa kulungan sina Ong at Dargani dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon at mayroon pa silang mga pinapaaresto.

Kabilang sa subject pa rin ng arrest order ng Senado ay sina dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at Pharmally Biological Executive Rose Nono Lin gayundin ang iba pang sangkot sa kontrobersiya na sina Sophia Custodio, Dennis Manalastas, Jayson Uson at Gerald Cruz.

Facebook Comments