Hiniling ng mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Mohit Dargani at Lincoln Ong na palayain sila sa Pasay City Jail at isailalim na lamang sa house arrest bilang humanitarian consideration.
Nobyembre 2021 nang magsimulang ma-detained sa Pasay City Jail sina Dargani at Ong matapos silang i-contempt ng Senado dahil hindi nila ibinigay ang financial documents ukol sa pagbebenta ng pharmally ng COVID-19 supplies sa gobyerno.
Ang nabanggit na very urgent motion for house arrest and/or release ay inihain sa Blue Ribbon Committee ng mga abogado nina Dargani at Ong.
Nakasaad na dahilan na nahihirapan na ang pamilya nina Ong at Dargani dahil sa kanilang pagkawalay at pagkabilanggo kasama ng mga ordinaryong kriminal kahit hindi pa sila nalilitis sa korte.
Sa apela ni Dargani ay pinabibigyang konsiderasyon ang kalusugan ng kanyang ina at ang pagkakaroon ng depression ng kapatid na si Twinkle Dargani na siyang presidente ng Pharmally na nakulong noon sa Senado pero naunang pinalaya.
Hiling naman ni Ong ang house arrest para sa kanyang misis at dalawang taong gulang na anak.
Ikinatwiran din nila na nakabakasyon ang Kongreso at wala pang petsa kung kailan muli sila haharap sa pagdinig ng Senado.