2 ospital, planong gamitin para lamang sa COVID-19 patients – DOH

Sinisilip ng Department of Health (DOH) na gamitin ang dalawang health facilities eksklusibo para lamang sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ito ay sa harap na rin ng tumataas na kaso sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, isinasapinal pa ang plano para sa 140-bed capacity facility para sa COVID-19 patients sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.


Sinisikap na rin ang paglalagay ng 120-bed para sa COVID-19 cases sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan.

Para sa ibang mga pasyente sa PGH, sinabi ni Duque na ililipat ang mga ito sa ibang public at private hospitals.

Hinimok din ng DOH ang mga ospital na nauubusan na ng protective equipment na makipag-ugnayan na sa ahensya.

Samanatala, kasalukuyang naka-self quarantine si Duque pero sa ngayon ay wala pa siyang nararanasang sintomas ng virus.

Inaasahang lalabas ang resulta ng kanyang test sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.

Sa huling datos ng DOH, umabot na sa 217 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, nananatili sa pito ang nasawi, habang nasa walo na ang gumaling.

Facebook Comments