
Umapela si Sen. Francis Escudero sa mga kapwa niya senador na madaliin ang pag-apruba sa dalawa niyang panukalang batas na layong makatulong sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) o maliliit na negosyo sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang Senate Bill No. 233 na naglalayong obligahin ang mga bangko at lending institutions na maglaan ng pondo para maipautang sa mga MSME, at ang Senate Bill No. 231 na naglalayong gawing mas simple ang pagbabayad ng buwis ng mga MSME at pababain ang kanilang mga bayarin sa permits.
Babala ng mambabatas, kung hindi matutulungan ngayon ang mga nagsisikap na negosyo ay posibleng magsara ang mga ito, na magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 5.8% ang unemployment rate mula sa 4.3% noong January at 4.4% noong December.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa sa committee level ang dalawang panukalang batas na inihain niya noong August ng nakaraang taon.










