Dalawang panukalang magpapalakas sa edukasyon ng mga mahihirap na mag-aaral sa bansa, aprubado na sa Kamara

Pinagtibay na sa Kamara ang dalawang panukalang batas na magpapalakas sa karapatan sa edukasyon ng mga mahihirap na mga estudyante sa bansa.

Sa botong 200 na pabor at walang pagtutol ay inaprubahan ang House Bill 10560 na nagpapalawak sa “coverage” o sakop ng Tertiary Education Subsidy (TES).

Nakasaad sa panukala na ang mga “underprivileged” pero “academically competent” na mga estudyante ay maaaring makapag-aral sa pinili nilang pribadong paaralan sa pamamagitan ng voucher system ng TES.


Tuloy-tuloy namang matatanggap ng mga mag-aaral ang benepisyo hanggang sa matapos nila ang kanilang kurso o degree program basta’t mapapanatili ang mataas na grado at residency requirements.

Samantala, inaprubahan na rin ang House Bill 10555, o ang panukalang Free College Entrance Examination Act, sa botong 197 na pabor at walang tutol.

Kapag naging ganap na batas, oobligahin ang mga pribadong higher educational institutions na i-waive ang college entrance exam fee o bayad ng mga aplikanteng mahihirap na undergraduate high school students at mga high school graduates na kasama sa Top 10 ng klase.

Facebook Comments