Dalawa ang patay matapos lumubog ang isang motorbanca sa karagatang sakop ng Laoang, Northern Samar.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), lumubog ang sasakyang pandagat noong December 30, 2024.
Nakatanggap umano ng tawag mula sa Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Laoang kaugnay sa private motorbanca na lumubog na may sakay na anim na pasahero at dalawang crew.
Agad nagsagawa ng joint search and rescue operation ang PCG kung saan narekober ang bangkay ng dalawang pasahero sa baybayin ng Barangay Rawis.
Ligtas naman ang apat pang pasahero at dalawang tripulante.
Batay sa paunang imbestigasyon, patungo sanang Batag Island ang motorbanca pero hindi nito kinaya ang malalakas na alon.
Dinala naman sa Laoang Rural Health Unit ang mga labi ng dalawang pasahero na binawian ng buhay.