Suot ang toga at sablay, bakas ang ngiti ng tagumpay sa mukha ng mga mag-aaral sa seremonya ng pagtatapos mula sa iba’t-ibang campus ng Pangasinan State University.
Naging isa sa sentro ng seremonya, ang dalawang Persons Deprived of Liberty (PDL) na nagmartsa at inalalayan ng jail wardens upang kunin ang kanilang diploma.
Mula sa PSU-Asingan Campus, Kahanga-hanga ang ipinamalas na dedikasyon at tibay ng dalawa na piniling bumangon at magbagong-buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
Sa kabila ng kanilang limitadong kalagayan, matagumpay silang nagtapos ng kursong Bachelor of Industrial Technology major in Electrical Technology at Electrical Communication Technology.
Ito ay naisakatuparan sa ilalim ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) ng Pangasinan State University – Asingan Campus, katuwang ang BJMP-Urdaneta.
Sa ginanap na seremonya ng pagtatapos, nagsilbing inspirasyon ang kwento ng dalawang PDL dahil sa kanilang tagumpay at pagpapatunay na ang edukasyon ay bukas para sa lahat, anuman ang estado sa buhay o pinagdaraanan.
Higit pa sa medalya o diploma ang kanilang babaunin kundi panibagong simula sa buhay na puno ng pag-asa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









