Dalawang Pilipino, nasawi sa nangyaring pagsabog sa Beirut, Lebanon

Dalawang Pilipino ang naitalang namatay sa nangyaring pagsabog kahapon sa Port of Beirut sa bansang Lebanon.

Kinumpirma mismo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat makaraang ipagbigay alam ito ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon.

Sa impormasyon na ibinahagi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Menez, anim na Filipino pa ang nasugatan sa nangyaring pagsabog kung saan nandodoon sila sa bahay ng kanilang employer nang maganap ang insidente.


Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Filipino Community at iba pang grupo sa Lebanon para malaman ang sitwasyon ng iba nating kababayan.

Pinayuhan din ng embahada ang iba pang mga Filipino sa Lebanon na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan matapos ang nangyaring pagsabog kung saan 73 ang nasawi at nasa higit 3,700 ang nasugatan.

Sa pahayag naman ni Lebanon Prime Minister Hassan Diab, isang nakumpiskang highly explosive material na matagal nang nakaimbak sa isang warehouse ang dahilan ng pagsabog at kanila nang inaalam ang responsable sa insidente.

Facebook Comments