Dalawang Pinoy seafarer na nasagip mula sa lumubog na cargo vessel sa Japan, darating na sa bansa ngayong araw

Darating na sa bansa ngayong araw ang dalawang Filipino crew members na nasagip sa lumubog na cargo vessel na Gulf Livestock-1 sa karagatang sakop ng Japan.

Sina Eduardo Sareno, 45-anyos, at Jaynel Rosales, 30-anyos, ay kabilang sa 39 Pinoy seafarers na sakay ng Panamanian-flagged vessel kung saan lumubog dahil sa Typhoon “Maysak” noong September 2, 2020.

Nabatid na nasagip ng Japanese Coast Guard ang dalawa kabilang din ang isang nasawi ilang araw matapos lumubog ang nasabing cargo vessel.


Patuloy pa rin ang search and rescue operation ng Japanese Coast Guard kahit pa wala silang nakikitang anumang bakas ng vessel maging ng mga crew nito.

Hindi naman na idinetalye ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung anong oras darating sa bansa ang dalawang nasagip na Pinoy crew kung saan nakipag-ugnayan sila sa mga kinauukulan para sa agarang repatriation ng mga ito.

Pero sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na darating ang dalawang Pinoy crew lulan ng Philippine Airlines flight PR 427 mula Narita Airport at darating sa Manila ng alas-5:00 ng hapon.

Ang dalawang Pilipinong survivors ay binigyan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka, Japan ng luggage na puno ng damit at toiletries at $200 para sa iba pa nilang pangangailangan.

Facebook Comments