Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, isabela– Napatay matapos lumaban sa mga otoridad ang dalawang matataas na pinuno ng NPA sa Cagayan Valley Region.
Ang dalawa ay sina Victorio Tesorio na kilala rin sa alyas na Dong, Rico, Dado, Metro, Ikoy at Reto. Siya ang Deputy Secretary at Commanding Officer ng Regional Operations Command ng Komiteng Rehiyon Hilagang Silangang Luzon (KRHSL).
Napatay din si Lolito Raza, alyas Lanlan, Commanding Officer ng Danilo Ben Command ng Western Command, Northern Front, KRHSL.
Ang dalawang unit ng mga kumunistang NPA ay gumagalaw sa Cagayan Valley Region na sakop ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Sa impormasyong ibinahagi ni Army Captain Jefferson Somera, ng 5th ID Division Public Affairs Office(DPAO), ang dalawa ay hahainan sana ng warrant of arrest sa Barangay San Miguel, San Manuel, Tarlac bandang alas tres ng madaling araw ng Enero 24, 2018 nang sila ay lumaban sa pamamagitan ng pagbunot ng kanilang kalibre 45.
Ang mga aarestong elemento ay mga pinagsamang puersa ng PNP, 5th ID, 7th ID at ilan pang military units.
Naaresto naman ang caretaker ng bahay na tinirhan ng dalawa na si Jose Dallente Caroy.
Narekober sa namatay na pinuno ng NPA ang dalawang kalibre 45 at maraming subersibong dokumento.
Ang ihahain sana na warrant of arrest ay batay sa mga kasong Murder With Frustrated Murder, Multiple Murder, Murder, Frustrated Murder, Attempted Murder at Rebellion na inisyo ng mga korte dito sa Rehiyon Dos.
Binigyan naman ng pagpupugay ni BGen Perfecto M Rimando Jr, Commaning General ng 5th ID, PA ang mga kalahok sa matagumpay na operasyon.
Ayon sa kanya, ang pagkamatay ng dalawang matataas na opisyal ng NPA sa rehiyon na nagtatago sa Lalawigan ng Tarlac ay malaking dagok sa kanilang organisasyon.
Nangangahulugan lamang na hindi na makakapagtago ang mga rebelde dahil ang mga mamamayan na mismo ang nagsusuplong kung saan sila naroroon kagaya ng nangyari sa oparasyong ito.
Idinagdag pa ng heneral na bukas ang kamay ng pamunuan ng militar sa mga nais sumuko sa gobyerno at sumailalim sa mga programang laan sa kanila.
Magugunita na noong Mayo 2017 ay nauna nang naaresto si David Soriano na may mataas ang katungkulan sa NPA sa Peñablanca, Cagayan.