Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ang mga commuter o mga pasahero na unawain ang kalagayan ng transport sector.
Ang apela ni Fr. Jerome Secillano ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs ay kasunod nang pagpayag ng pamahalaan na magtaas ng dalawang piso sa minimum fare mula sa P9.00.
Ayon kay Father Secillano, asahan pa na maraming maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis, kasama na ang commuters dala na rin ng ipapatupad na minimum na presyo ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Iminungkahi rin ng pari sa mga simbahan na tulungan ang kanilang mga kawani na maibsan ang pasakit na dulot ng pagtaas ng presyo ng pamasahe sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘transport allowance’ sa mga empleyado.
Samantala, umaapela rin sa pamahalaan si Father Secillano na muling pamamahagi ng fuel subsidy at magpatupad ng excise tax suspension dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.