
Nakitaan ng “few minor cracks” ang dalawang provincial government building sa Negros Occidental, batay sa isinagawang damage assessment ng Provincial Engineering Office kasunod ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu.
Kasama sa nga nakitaan ng minor cracks ay ang Cadiz District Hospital at CyberCenter sa Bacolod City na pawang provincial government-owned building.
Maliban sa dalawang building, nakitaan din ng hairline cracks ang siyam na gusali sa Silay City batay sa ginawang pagsusuri.
Inirekomenda naman ni Provincial Engineer Ernie Mapa na hindi muna pwede pabalikin o lagyan ng mga pasyente ang ikatlo, ikaapat, at ikalimang palapag ng Cadiz District Hospital matapos mabasag ang mga window crystal na delikado para sa mga pasyente.
Ayon kay Engr. Mapa, kailangang palitan muna ng bagong window crystals ang naturang mga palapag bago pahintulutan na makabalik ang mga pasyente.
Sa ngayon, pansamantala munang ilalagay sa COVID Center ng ospital ang mga pasyente.









