Naaresto ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang dalawang pulis sa Malolos, Bulacan at dalawa nilang kasabwat na sibilyan dahil sa robbery extortion activities.
Kinilala ang dalawang pulis na sina Police Senior Master Sergeant Vic Lajom at Patrolman Jay Mark Tuazon na mga nakatalaga sa Police Community Precinct 5 ng Malolos PNP.
Ayon kay PNP-IMEG Director Police Brigadier General Ronald Lee, nakatanggap sila ng mga impormasyon at reklamo na kinikikilan ng dalawang pulis ang mga tricycle driver at mga traffic violator upang hindi matiketan.
Ginagamit pa umano nina Sgt. Lajom at Patrolman Tuazon ang dalawang sibilyan bilang middleman o nakikipag-usap sa traffic violator para kuhanan ng pera at hindi matiketan.
Ikinasa ng PNP-IMEG ang operasyon matapos ang mga reklamo sa mismong presinto kung saan nakadestino ang dalawang pulis Malolos.
Ang dalawang pulis ay mahaharap sa kasong administratibo at grave misconduct na ngayon ay nasa Camp Crame na.