Na-relieve o tinanggal sa pwesto ang dalawang pulis Maynila na escort ng isang detainee na tumalon mula sa ikatlong palapag ng Manila City Hall.
Ito ay upang matukoy kung may kapabayaan nga ba ang mga pulis sa nasabing insidente, habang gumugulong ang imbestigasyon laban sa dalawa.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Spokesperson Police Major Philip Ines na nasa Admin Holding Section ng Ermita Police Station ang dalawang pulis na nakatalaga sa Paz Police Community Precinct.
Tinitingnan ng MPD ang kopya ng CCTV ng Manila City Hall kung saan makikita na nasa likod ng dalawang pulis ang suspek nang tumalon ito sa bintana.
Kasalukuyan ding gumugulong ang imbestigasyon laban sa dalawang pulis at kung may makikitang lapses sa parte nila ay sasampahan ito ng kasong administratibo.
Samantala, nasa kritikal na kalagayan pa rin ang detainee at kasalukuyang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH).