Pinasisibak na sa serbisyo ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang dalawang tauhan ng Maritime Group na bumaril sa mangingisdang si Kiel Kintanar sa Cabadbaran, Agusan Del Norte noong July 10.
Ito ay sina Police Staff Master Sgt. Rizyl Torricer at Patrolman Ariel Jay Panes.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, naisumite na nila ang kanilang rekomendasyon sa Directorate for Personnel and Records Management kahapon.
Paliwanag niya na batay sa resulta ng imbestigasyon, intensyonal ang pagpatay ng 2 pulis sa mangingisda.
Nagpapatrolya ang 2 pulis sa karagatang sakop ng Cabadbaran ng mamataan ang grupo nina Kintanar.
Pinahinto ng 2 pulis ang grupo, ngunit sa halip na huminto ay mabilis pang tumakbo ang bangkang pangisda ng mga ito.
Hinabol ng 2 pulis ang grupo nina Kintanar pero sa halip na magbigay ng warning shot, tao ang pinuntiryang barilin ng pulis.
Kaya naman ang rekomendasyon ng PNP IAS kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ay sibakin ang mga ito sa serbisyo.