Nadisarmahan na at nasa restricted custody na ang dalawang pulis na naaresto dahil sa tupada sa Mati City sa Davao Oriental.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, inutos niya na sa Police Regional Office 11 na magsampa ng kasong administratibo laban kina Corporal Linwell Salvana at Police Staff Sergeant John Declem.
Sinabi ni PNP Chief na isang malaking kahihiyan sa kanilang hanay ang dalawang pulis dahil sa halip na sawayin at pigilan ang ganitong iligal na gawain ay nakisali pa at maaring protektor pa ito ng tupada sa Mati City.
Batay sa ulat, alas-9:00 ng umaga noong Linggo nang salakayin ng mga otoridad ang tupada sa Brgy. Dahican sa Mati City matapos na makatanggap ng reklamo.
Mabilis na nagtakbuhan ang mga sabungero nang makita ang raiding team hanggang sa maaresto ang dalawang pulis at sibilyan.
Narekober sa lugar ang tatlong panabong na manok, mga tari, at perang nagkakahalaga ng ₱170.