Dalawang resolusyon para tulungan ang mga estudyanteng apektado ng Omicron cases at Bagyong Odette

Magkasabay na inihain sa Kamara ni Kabataan Party list Rep. Sarah Elago ang dalawang resolusyon para tulungan ang mga estudyante na apektado ng surge ng Omicron variant at ng Bagyong Odette.

Sa House Resolution 2443 ay hinihimok ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at iba pang kaukulang ahensya na palawakin pa ang pagbibigay tulong sa sektor ng edukasyon at magpatupad ng mga hakbang na aalalay habang bumabangon mula sa epekto ng nagdaang bagyo.

Tinukoy sa resolusyon na bago pa tumama ang Bagyong Odette, karamihan ng mga mag-aaral ay naghahanda na sana para sa final exam sa huling semestre pero dahil tumama ang kalamidad ay tanging suspensyon ng klase at extension lang ng deadline ang naibigay na tulong sa mga estudyante.


Bukod sa muling pagsasaayos ng mga bahay, kabuhayan at iba pa ay malaking hamon ngayon sa mga estudyante ang mga nasirang gadget, mahina pa ring internet connection at walang kuryente.

Kaya naman, umaapela ang kongresista sa CHED at sa DepEd na i-adopt ang “no fail” at “no drop” policy para sa mga apektadong lugar.

Samantala, sa House Resolution 2444 naman ay hinihikayat ng mambabatas ang CHED at DepEd na magpatupad ng “health break” sa lahat ng educational institutions kung saan tinukoy na marami pa ring mga paaralan ang “business as usual” sa kabila ng maraming mga guro at estudyante na ang nagkakasakit ng COVID-19.

Hinihiling din sa resolusyon na bawasan ang academic load ng mga faculty members at mga estudyante gayundin ang pagpapalawig pa sa pagsusumite ng mga kinakailangang requirements.

Facebook Comments