Dalawang salising target ang mga lasing na dayuhan, arestado sa Maynila

Arestado ang dalawang indibidwal na sangkot sa modus ng pagnanakaw sa mga dayuhan sa Malate, Maynila.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas ‘Rose’, 48-anyos at alyas ‘Lito’, 39-anyos na miyembro ng isang salisi group.

Nahuli ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Malate Police Station matapos na makatanggap ng report mula sa mga nabiktima nitong limang Bangladesh nationals.

Ayon kay PLtCol. Alfonso Saligumba III, hepe ng Malate Police Station, umiikot ang mga suspek sa Ermita, Malate, at Quezon City at nagpapanggap na aalalay o tutulong sa mga lasing na mga banyaga saka gagawin ang pagnanakaw ng mga gamit tulad ng cellphone, cash, at wallet.

Nasapul sa CCTV ang modus ng mga suspek kung saan pwersahang pagkuha ng gamit ng biktima at pagtangay ng mga mahahalagang gamit sa loob ng isang itim na van kung nasaan ang iba pang biktima.

Nagsagawa ang mga operatiba ng backtracking at follow up operations at dito napag-alaman na ang ginamit na kotse ng mga suspek habang isinasagawa ang krimen ay hindi tugma sa plaka nito.

Narekober sa ikinasang operasyon ang isang maroon na Toyota Vios na may pekeng plaka, ilang pekeng plaka, official receipt at certificate of registration, at iba’t ibang IDs tulad ng driver’s license.

Napag-alaman din na may nakabinbing mga warrant of arrest si alyas ‘Rose’ habang si alyas ‘Lito’ naman ay dati nang nakulong sa kasong Theft noong 2024.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang mga suspek na mahaharap sa patung-patong na kaso kabilang na ang theft, Concealing True Name ,Falsification of Public Documents by Private Individual, at New Anti-Carnapping Law.

Nananawagan namang ang Malate Police Station na dumulog at makipag-ugnayan sa mga awtoridad ang iba pang nabiktima ng mga suspek upang maisagawa ang pormal na pagsampa ng reklamo.

Facebook Comments