
Nag-isyu ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa dalawang sasakyang sangkot sa isang viral video kaugnay ng pagharang sa isang rumerespondeng fire truck.
Batay sa video, makikita ang dalawang sasakyan na hindi nagbigay ng daan sa fire truck kahit nakabukas ang blinker lights at sirena nito habang tumutugon sa isang emergency.
Nakasaad sa SCO na inatasan ng Intelligence and Investigation Division ang mga may-ari at driver ng mga sangkot na sasakyan na magsumite ng beripikadong komento o paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kaukulang kaso.
Samantala, isususpinde ng 90 araw ang mga lisensya ng mga driver habang isasailalim naman sa alarm status ang mga sangkot na sasakyan.
Hiniling naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na igalang ang batas pagdating sa pagbibigay ng daan sa mga emergency vehicle at tiyaking laging handang tumulong sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang tugon.










